“HAWAK KO ANG MANIBELA” (Maikling Kwento ni Tatay Eli)

“Dahan-dahan ka nga sa pagpapatakbo at baka tayo ay madisgrasya. Kung hindi man, baka tayo ang maka-disgrasya!” gulat na hiyaw ni Rosa sa kaniyang asawa na si Oscar.
Muntik na nilang mabangga ang isang lalaking nagbibisekleta na biglang sumulpot sa kanang bahagi ng kanilang saksakyan.
“Huwag kang mag-alala. Hawak ko ang manibela.” Nakangising sagot ni Oscar na tila ginawang biro ang paalala ng kanyang asawa.
Patungo ang pamilya sa isang piging ng araw ng iyon. Ikalimampung anibersayo ng mga magulang ni Rosa. Bagama’t apat na oras ang biyahe mula sa bahay nila Rosa patungo sa tahanan ng kanyang mga magulang sa La Union, batid niya na hindi sila maaring mawala sa napakahalagang pagdiriwang ng kanyang pamilya.
Nahuli sila ng kilos ng umaga na iyon. Ang kanilang bunso ay nag-aalburuto dahil hindi sanay gumising ng maaga. Samantalang ang kanilang panganay ay nahuli ng uwi ng kinagabihan dahil sa pag-eensayo sa isang pagtatanghal sa kanilang paaralan.
Malakas ang ulan patungong La Union at madulas ang kalsada. Ang kaso, hindi sanay si Oscar sa mabagal na pagpapatakbo ng sasakyan. Sa isip niya, lalong kailangan niyang bilisan ang pagpapatakbo sa mga oras na iyon dahil sila ay mahuhuli na sa pagsisimula ng okasyon.
Patuloy ang paalala ni Rosa sa kanyang asawa na maging maingat sa pagpapatakbo. Ipinagkikibit balikat lamang ito ni Oscar. Bago lang ang kanilang sasakyan at napakaganda ng hatak ng makina.
Maka-ilang ulit na nilalampasan ni Oscar ang mga sasakyan sa unahan nila. At sa tuwing sisitahin siya ng kanyang asawa, “hawak ko ang manibela” ang tanging isasagot ni Oscar.
Ang ilang bahagi ng kalsadang kanilang daraanan ay nagkaroon ng lubak dahil sa patuloy ng pagbuhos ng ulan. Hindi napansin ni Oscar ang isa sa mga iyon. Malalim ang lubak at dahil mabilis ang pagpapatakbo niya, nasuong nila ang lubak na ito. Sumadsad ang unahang parte ng sasakyan na nagresulta sa pagkakasira ng bahaging iyon.
“May nasaktan ba sa inyo?”, tila nagimbal na tanong ni Oscar.
“Wala naman po Tatay “ , tugon ng dalawang anak.
Humingi ng paumanhin si Oscar sa kanyang asawa at naging marahan na siya sa pagpapatakbo hanggang makarating sila sa kanilang destinasyon. Naging maunawain naman si Rosa at pinatawad ang kanyang asawa. Hawak man ni Oscar ang “manibela” napagtanto niya sa huli na hindi niya hawak ang mga pangyayari sa kanilang mga daraanan.
ARAL:
Maraming bagay at pangyayari sa mundo ang hindi natin kontrolado. Huwag nating iisipin na dahil may sarili tayong pagpapasya sa maraming aspeto, nangangahulugan na ito na hawak na natin ang ating buhay. Iisa lamang ang may hawak ng ating buhay – ang Diyos na Siyang may lalang sa atin.
Huwag tayong maging kampante sa ating sarili kakayahan kung tayo man ay nakakatamasa ng mga kaginhawaan sa buhay. Hindi “manibela” ang dapat na maging sandigan ng ating kumpiyansa. Ang ating kahahantungan sa kawalang hanggan ang dapat na maging batayan ng ating direksyon at pag-asa habang tayo ay nabubuhay dito sa mundo.